Taxi Driver Monologues: General Maganto’s ID.
Tuesday, June 23, 2009 2:17“Alam mo, kung nasa akin pa ‘yung ID ni Maganto, hindi tayo maiipit dito sa trapik. Ang lakas rin ng ID na ‘yun, ipapakita mo lang, wala nang magagawa ‘yang mga nanghuhuli na ‘yan. Dati, pinapara ako nung nagta-trapik, sabi ko lang, ‘Nagmamadali kasi may pinautos si Chief,’ sabay ipapakita ko lang ‘yung ID tapos wala, nagkamot nalang ng ulo ‘yung nanghuli.
“Pero ang totoo niyan, napulot ko lang rin ‘yung ID na ‘yun eh, may naisakay kasi ako noon, dati pa ‘yun, babae sa Manila Peninsula. Eh, sabi niya, ‘Eto, magagamit niyo ho ito,’ sabay abot nung ID ni Maganto nga, hindi ko na rin tinanong ko bakit niya ako inaabutan ng ID noon, eh baka magamit ko nga tapos baka biglang bawiin, eh sayang naman, di ba? Tapos ‘yung sumunod na araw rin, naisip kong subukan nga, eh kasi trapik rin noon eh, lumusot ako sa saradong U-turn slot, nagmamadali rin kasi ako kasi may kailangan akong sunduin. Ayun nga, pagkalusot ko pinituhan agad ako nung nagbabantay, bawal raw doon, bakit raw ako lumiko. Ako naman eh kung makakalusot, maganda, lalo na’t di ko naman alam kung totoo nga ‘yung ID na binigay sa akin nung babae. Eh nahuli na ako, wala na rin, kaya pinakita ko na rin ‘yung ID, tapos gaya nga nung bilin sa akin nung babae, sabihin ko lang raw ‘yung pangalan ni Maganto, kaya sabi ko, ‘Pinapatawag lang ho ni General Maganto.’ Pinalampas ako! Ok, sabi ko noon, ‘Ok nga ‘tong ID na ‘to, totoo nga.’ Pero siyempre hindi ko naman inabuso masyado. Ginamit ko lang kung talagang tingin ko nasa tama lang ako kasi alam mo naman, may iba naman talagang nanghuhuli diyan na pera-pera lang talaga, kahit wala kang violation eh huhuliin ka parin. Doon lang, tsaka ko lang talaga ginamit ‘yung ID.
“Para bang binigyan ka ng kapangyarihan, ganoon ‘yung pakiramdam, na taob mo ‘yang ibang mga taxi na ‘yan, ‘yang mga Benz at Pajero na ‘yan, lamang ka kasi may ID ka ni Maganto. Siyempre talo ka sa totoong mga sasakyan ng gobyerno, pero ‘yang karamihan ng mga normal na sasakyan, angat ka talaga.
“Kaso lang, nung mawala si Maganto sa puwesto, hindi ko na rin ginamit ‘yung ID. Kasi nga, siyempre wala na ‘yung tao, ano pang silbi nung pangalan niya? Tsaka bakit nga ba nawala sa puwesto ‘yun? Magaling ‘yung si Maganto eh. Magaling talaga.”
- Mamang Drayber

















isa says:
June 23rd, 2009 at 7:42 am
Kaya umaasenso ang bansa eh!
Judd says:
June 23rd, 2009 at 11:12 am
@Isa: Ibig mo bang sabihin, “kaya hindi umaasenso ang bansa?”
isa says:
June 24th, 2009 at 9:53 am
Wow na-gets mo! Nice.
Judd says:
June 24th, 2009 at 10:52 am
@Isa: Yabang mo!
nilskyone says:
June 25th, 2009 at 1:14 pm
Hehehe Romeo Maganto FTW!!!
) Hahaha!
Judd says:
June 25th, 2009 at 2:08 pm
@Niel: O panalo, hindi ba?