Engkwentro sa Laglag-Barya Gang.

Monday, February 8, 2010 15:32
Posted in category Hot Off the Press

Tulad ng isang pangkaraniwang umaga, sumakay ako sa padyak palabas ng village namin at nag-abang ng taxi sa Marcos Highway. Nang mainip at maasar dahil wala pang dumaraang taxi pagkatapos ng mahigit sa kuwarenta-minutong paghihintay, tumawid na ako’t nag-abang ng jeep.

Ang problema lamang ay napakarami kong dalang gamit para sa opisina:

  • Isang laptop (kasama na ang aking mahal na pen tablet at external hard disk),
  • Dalawang pipitsuging cellphone,
  • Isang Panasonic Lumix FZ28,
  • Sandamakmak na chargers,
  • Isang iPod Nano, at
  • Isang notebook, isang planner, at mga papel (dokumento, scratch, at iba pa)

Maituturing akong minahan ng ginto ng kung sino mang magtatangkang magnakaw sa akin: sa dami ba naman ng dala ko kaninang umaga’y tiyak na tiba-tiba ang makakapagnakaw ng lahat ng gamit ko.

Gamitin mo ang imahinasyon mo at subukan mong isipin kung gaano kasikip ang puwesto ko sa jeep na puno ng pasahero kanina. Kandong ang dalawang bag na tangan ko, sikip na sikip akong nakikinig ng mga kanta ng Sugarfree sa iPod Nano kong naka-shoot sa kanang bulsa ng jacket ko.

Ilang minuto pa lamang pagkasakay ko ng jeep, may naramdaman akong kamay na kumikiliti sa kanang bahagi ng tiyan ko. Sa bahaging iyon nakatapat ang kanang bulsa ng jacket ko, kung nasaan nakatago ang iPod ko.

Kamay sa bulsa: magnanakaw?

Naiirita na ako sa pangangalabit ng lalaking nakaupo sa kanan ko ngunit may mas nakakairita pang nangyari. May lalaki sa harap kong “nakahulog” raw ng barya sa harap ko kaya’t sinusubukan niyang itaas ang paa ko (habang may kumakalabit sa loob ng bulsa ng jacket ko, habang nakikinig ako ng mga kanta Sugarfree galing sa iPod ko) upang maabot ang barya sa ilalim ng upuan ko.

“Hindi ko maabot, itaas mo nga ‘yang paa mo,” sabi ng lalaki sa harap ko.

“Itaas mo kasi para makuha niya ‘yung barya,” sabi ng lalaki sa kanan ko.

Mga tarantado pala kayo eh. Halata naman kung anong ginagawa niyo mga putanginakayo.

“Hay buhay, hay buhay,” ang patuloy na pagkanta ni Ebe Dancel sa earphones ko. “Hay buhay nga naman. Hay buhay nga…”

Naputol ‘yung kantang tumutugtog sa tenga ko, ngunit nakasabit pa rin ‘yung earphones sa tenga ko. Mabilis kong nilingon ang bulsa ko sa kanan: nakausli ang puting cord ng earphones ngunit hindi na nakasaksak sa iPod Nano.

Nasa kamay ng katabi ko ang iPod Nano ko. “Nahulog mo,” sabi niya, dahil huling-huling nasa kamay pa niya ‘yung iPod at katabing-katabi pa ng bulsa ko.

“Eh tarantado ka pala eh, kanina mo pa sinusubukang dukutin ‘yan, halatang-halata kayong mga magnanakaw kayo eh!” sigaw ko sa kanila. Nanlisik ang mga mata ko at hindi ako nakaramdam ng takot. Galit ang naramdaman ko dahil nakakainsultong sa buong proseso ng pagtatangka nila akong nakawan ay binigyan ko na sila ng mga indikasyon na alam ko ang putanginang mga pinaggagagawa nila.

Itinabi ng mamang drayber ang jeep at dali-daling tumakbo ang mga kupal na salarin palabas ng jeep. Apat sila. Hindi nila nakuha ang iPod ko.

“Nakuhanan ka ba?” tanong sa akin ng drayber.

Cellphone mo, nandiyan ba?” tanong sa akin ng babae sa harapan ko.

“I-check mo bag mo, wala bang laslas?” tanong sa akin ng isa pang ale sa kabilang dulo ng jeep.

“Wala po, wala po,” ang paliwanag ko. “Alam ko pong sinusubukan nila akong nakawan. Alam ko rin pong napansin niyo iyon at iyon ang dahilan kung bakit malakas ang loob kong hintayin silang gawin ang gusto nilang gawin. Hindi ko lamang alam kung ilan sila. Kung isa lang, kung dalawa lang, baka madalian pa tayong pagtulungan o isumbong sa pulis ‘yang mga ‘yan. Kaso apat. Pasalamat nalang sila at marami sila. Hindi ako lalaban sa apat. Pero kung dalawa laban sa katorseng tao, hindi naman nila tayo siguro sasaksaking lahat, hindi ba?”

Sa totoo lang, hindi ko na naiintindihan ‘yung mga pinagsasasabi ko sa mga kapwa ko pasahero: may halong kaba at pagmamadali ‘yung boses ko. Bumababa ako ilang daang metro ang layo mula sa pinagbabaan sa mga magnanakaw at binuksan ang dalawang bag na dala ko, para lamang makasiguro.

Walang nawala. Buhay pa ako. Salamat.

(Nangyari ito kaninang umaga sa Marcos Highway, kalalampas lamang ng Sta. Lucia at Robinson’s Metro East. Mag-ingat. Hindi ako si Batman at kung nasaksak ako, malamang ay di na ako nagsusulat ng blog entry na ito.)

(Update: Pasensya na sa gang na nagtangkang magnakaw sa akin. “Laglag-Barya” Gang pala, at hindi “Hulog-Barya,” pero ano man ang pangalan ng grupo ninyo, putang ina ninyo pa rin.)



You can leave a response, or trackback from your own site.

27 Responses to “Engkwentro sa Laglag-Barya Gang.”

  1. Cyprus says:

    February 8th, 2010 at 3:41 pm

    Buti na lang di ka sinaksak! I also had such experience. Pero funny yung nangyari sakin. LOL

  2. jia orila says:

    February 8th, 2010 at 3:43 pm

    ay nako judd, dyan din ako sa marcos hiway na slash-an ng bag. camera nakuha sakin! ingat kasi! :p

  3. Micamyx says:

    February 8th, 2010 at 3:48 pm

    Whew! Buti na lang at alert ka kaninang umaga kundi nakunan ka na ng IPod Nano. Buti na lang rin at maraming pasahero noon. Buti na lang naglakas-loob kang ‘magalit’ sa kanila. Paniguradong kinakabahan ka kanina, pero buti na lang talaga at hindi ka nanakawan at di ka nasaktan :D

    Pakshet talaga ‘yang mga magnanakaw na ‘yan. ‘Di na lang kasi magbalat ng buto sa marangal na paraan.

  4. eric says:

    February 8th, 2010 at 4:06 pm

    wow this is scary. buti walang masamng nagyari sa you.. at buti na lng kompleto pa mga gamit mo…

  5. Ed says:

    February 8th, 2010 at 4:08 pm

    Balita ko marami talaga magnanakaw sa area na yan. Buti walang nakuha.

  6. Neil says:

    February 8th, 2010 at 5:58 pm

    P*tang ina nila talaga. =__= Buti umalis lang sila at di ka inano.

    May balak ka pa bang i-report yan sa pulisya?

  7. darqueangel says:

    February 8th, 2010 at 7:18 pm

    oH NO.. buti na lang walang nangyari sayo. lintek na mga lintang yan dapat dyan pagtitirisin.. good thing alisto ka. keep it up. nako sana naman wag ng maulit yan. kakatrauma kaya yun.

  8. wentot says:

    February 8th, 2010 at 8:12 pm

    nangyari na sa akin yan, twice, Nung una walang nakuha sa bus. Pero nung pangalawa sa jeep nama alam ko na ang ginagawa nila, ang pagkakamali ko pinagmamasdan kong ginagawa ng nasa harapan ko. Akala ko hindi ako yung ninanaawan ako pala. buti na alng P500 pesos lang laman ng wallet ko. P*tang ina talaga sila.

  9. Digital Manila says:

    February 8th, 2010 at 9:05 pm

    buti naman at walang masamang nangyari ‘tol :)

  10. Jek says:

    February 8th, 2010 at 9:10 pm

    Namumuro ka na Judd ah. 2 beses ka ng natiktikan.

  11. Rachel says:

    February 8th, 2010 at 10:34 pm

    OMG. Shet, buti buhay ka pa. At buti wala silang nakuha sa iyo.

    This is precisely why I never use my iPod while riding the jeep.

  12. Emz says:

    February 8th, 2010 at 11:01 pm

    Umm.. kasi wag kang maga-ipod sa jeep? o_O

    Kahit taxi, hindi safe. Kung araw mo, wala kang magagawa. Pero siguro di meant to be mangyari ulit sa yo. hwek-hwek.

  13. Kata says:

    February 8th, 2010 at 11:15 pm

    naku. nakakagalit talaga yan.  

  14. Vida says:

    February 9th, 2010 at 12:37 am

    dude ako laglag-yosi + ipit gang. o di ba, double whammy? para lang makuha ang phone ko. dammit.

  15. Judd says:

    February 9th, 2010 at 2:38 am

    @Cyp: Laugh trip naman ‘yung sa ‘yo, umangal pa ‘yung holdaper sa cellphone mo? Sobrang choosy!

  16. Judd says:

    February 9th, 2010 at 2:38 am

    @Jia: At diyan rin ako naholdap, naaalala mo pa ba ‘yun? Gaddemmetkapengmaenet.

  17. Judd says:

    February 9th, 2010 at 2:39 am

    @Mica: Wala, parang gusto ko na tuloy lumipad papuntang Singapore at doon nalang mamatay.

  18. Judd says:

    February 9th, 2010 at 2:41 am

    @Eric, @Jonel, @darqueangel, @Ed, @Rachel: Maraming salamat; mag-iingat na talaga ako sa susunod!

  19. Judd says:

    February 9th, 2010 at 2:42 am

    @Ryan: At buti kamo hindi ka nasaktan. ‘Yun ang pinakamahalaga.

  20. Judd says:

    February 9th, 2010 at 2:44 am

    @Neil: Alam mo, may kasalanan ako. Hindi ko na nai-report ‘yung nangyari. Pero sa tingin ko, mas malaki ang pakinabang kung ibabahagi ko nalang sa iba ‘yung nangyari kanina. Wala rin namang magagawa ‘yung mga pulis at pupusta akong alam naman nilang lahat ng ‘yan eh. Ewan ko ba kung bakit parang parami na nang parami ‘yang mga magnanakaw na ‘yan sa Marcos Highway at hindi masugpu-sugpo.

  21. Judd says:

    February 9th, 2010 at 2:45 am

    @Jek: ‘Yung una, puwedeng natiktikan ako, pero ito, malabo eh, kakabalik lang namin dito sa TCEV at ngayon lang ako sumakay ulit ng jeep. Malamang natsempuhan lang talaga ako.

  22. Judd says:

    February 9th, 2010 at 2:46 am

    @Kata: Sinabi mo pa. Kung puwede lang burahing basta ‘tong mga ‘to sa mundo eh.

  23. Judd says:

    February 9th, 2010 at 2:47 am

    @Emz: Oo nga, mas mag-iingat na ako. Buti nalang hindi ako na-rape. (Triple hwek-hwek hahaha.)

  24. Judd says:

    February 9th, 2010 at 2:47 am

    @Vida: Para yata wala kang kawala. Mga tarantado talaga ‘yang mga ‘yan!

  25. My Search for Beatrice: Prologue. | whapakk. says:

    February 9th, 2010 at 11:35 pm

    [...] thinking of getting a new one. I’m looking for Beatrice. Thanks to what happened this morning when thieves tried to steal my iPod Nano, I decided that whatever happens, I’m getting a new car [...]

  26. trixie says:

    February 10th, 2010 at 10:51 am

    wahh scary.. sumasakay rin ako marcos. sa may san benildo. wahhh katakot ngayon madalas pa commute sira parin yung na ondoy car namin.

  27. Mai says:

    February 17th, 2010 at 2:12 pm

    mag iingat kasi. hot stuff ka para sa mga magna lam mo yan!

Leave a Reply